Sa kabilang banda, ang pakikipagkapwa ay nangangahulugan ng mas malalim na bagay para sa kulturang Pilipino. Kapag sinabing "kapwa", hindi ito ibig sabihin na ibang tao lamang. Kahit rin minsan ginagamit ito upang tukuyin ang ibang tao kasama ang sarili, iba rin ito ng kahulugan sa "tayo". Kapag sinabing "kapwa", nagbibitiw ng paninindigan na ang sinumang iba ay kapantay ng sarili. Hindi ito simpleng salita na nangangahulugan ng "tayo" o "ako at ikaw" o "kagrupo ko". Ang paninindigang kakabit nito ay mayroong moral na implikasyon.
Sa ganitong pananaw, iba ang kahulugan ng pakikisama sa pakikipagkapwa dahil bagama't maaari tayong magkamali at makisama sa mali, walang sinuman ang maaaring makipagkapwa para sa mali. Sinasabi nito na hindi kailangan mabura ang sariling prinsipyo para lang mabuhay kasama ang iba, na kadalasan ay binubura kapag nabanggit ang "pakikisama". Ang pakikipagkapwa ay nangangahulugan ng paninindigan para sa tama, sa moral, at sa respeto sa pagkapantay-pantay ng bawat tao kahit magkakaiba ang estado at kinalalagyan sa buhay.