Ang isinusulat ko na ito ay hindi isang leksyon tungkol sa kasaysayan o pagtatatag o di kaya'y mga assumptions sa likod ng Sikolohiyang Pilipino bilang disiplina. Ito ay isang paglalahad lamang ng aking personal na pananaw ukol dito. Isa sa pinaka-mahalaga para sa akin na aspeto ng Sikolohiyang Pilipino ay ang bisyon nito na maging isang disiplina na "malaya at mapagpalaya".
Mahalaga ito sa akin dahil i-dinedeklara nito na ang sikolohiya bilang disiplina ay hindi lamang tungkol sa pagiging maunawain sa problema, o pakikinig sa hinaing at pagiging maintindi sa bigat o suliranin ng ibang tao, o di kaya'y pag bibilang lamang ng numero at pagtingin sa tao bilang specimen na pwede lang suriin base sa kanilang maliliit na kilos o galaw. Deklarasyon ito na ang sikolohiya sa Pilipinas ay mayroong tungkulin na maging malaya at mapagpalaya.
Dinadala sa isipan ng ganitong motto o ethos ang halos mitolohikal na imahe ng isang taong pinili umangat mula sa kasadlakan at kumuha ng matalim na sandata para sirain ang kadena na naghihila pababa sa kanya, habang tinutulungan ang iba ring nakakadena na makakuha ng kanilang sandata at masira ang lahat ng amunang humahadlang sa personal at pangkalahatang kalayaan ng isang tao, at lalo na ng isang Pilipino.
Nang aking mabasa ang mga sulat ni Dr. Virgilio Enriquez ay tila may pintong sinipa pabagsak sa loob ng aking utak. Nagbukas ito ng bagong perspektibo, bagong pagintindi hingil sa mga bagay na luma nang matatagpuan sa ating buhay. Mga dati nang problema ng bayan. Mga dati nang suliranin ng tao. At ang nagpapatuloy sa laban para sa tunay na kalayaan, para sa atin at sa kapwa.